PART 2: Baguio City
Imagined: August 31st, 2010 under PhotoSpeaks, Wanderlust - Got something to say?

Dapat hindi na rin ako tutuloy dito. Nabasa ko kasi sa isang website na mukhang hindi maganda ang lagay ng panahon sa Baguio. Sabi pa nga, ‘thunderstorm’ nga raw. At kung medyo mahal mo ang buhay mo, ang pinaka huling lugar na dapat mo puntahan tuwing may ‘thunderstorm’ eh yung malapit ka sa ulap.
Pero tumuloy parin ako kasi nasasayangan ako sa tatlong araw at dalawang gabing bakasyon (Biyernes-Linggo). Medyo ngaragan nga sa paggagayak kaya nakalimutan ko rin yung charger ng cellphone ko.
Sino kasama ko? Wala.

# 20: Go out of town by myself = DONE!
Umalis ako ng 11p.m. ng Huwebes dito sa Maynila. Saktong 11 talaga umalis ang bus. Sa Victory Liner ako sumakay tutal malapit naman yun samin. Ang pamasahe ay 430php + 5php para sa ‘insurance’. Bongga.
Sobrang ayos bumyahe pag gabi kasi mabilis. Mula Sampaloc hanggang SM North Edsa, labinlimang (15) minuto lang ang itinakbo. Bandang alas-Dose, nasa Pampanga na kami.
Mga bandang 4:30 naman, nasa Baguio na kami.
Nakatulog kasi ako ng bongga kaya nung narinig ko na yung manong kundoktor na sabi ‘Nasa Terminal na po tayo… nasa Baguio na po…” syempre ang una kong naisip “YEHEY, NAKARATING NAKO NG BAGUIO SA WAKAAAS!”
pasintabi: Hindi pako nakakarating ng Baguio. Sa totoo nga, Tarlac ang pinaka malayong narating ko sa Norte kaya ang saya saya ko nung nakarating na ako ng Baguio.
pasintabi 2: Nagsimula yung kagustuhan kong pumunta sa Baguio nung one time na papauwi kami galing sa Quezon, tas dumaan kami sa Zigzag na sobrang wasak (as in nagti-tilt yung bus ng 45-degrees). Tas sabi ng kasama ko “mas nakakatakot pa ‘to sa Zigzag ng Baguio” tas sabi ko “hindi pa ako nakakarating ng Baguio” tas sabi nya “Hindi ka pa nakakarating ng Baguio?!” na puno ng pangungutya. Ikaw na.
Anyway, dahil sa kagigising ko ang nung dumating ako sa Baguio medyo ngarag mode akong bumaba sa bus. Bumaba ako kasi anlamig sa bus. Tas pag labas ko, heto ang isang malamig na ‘gush of wind’! ANG LAMIIIG! Medyo na disorient ako pero keri.
Naghanap ako ng CR… teka TMI na.
Dahil sa 4:30 am ako dumating dun, ligaw na ligaw ako kasi a.) madilim b.) di ko alam kung saan ako pupunta.
May nabasa akong resto na 24 hours sa Baguio na ok, so pumunta muna ako dun. 6 a.m. pa kasi yung early check-in sa hotel so naisip ko maganda sigurong antayin ang ‘breaking of dawn’ habang naga-almusal.
Sumakay ako ng taxi (na FX) at sabi ko sa Pizza Volante. Di alam ni manong driver kung saan. Malamang, di ko rin alam. Tas naalala ko, sa Session Road sya. Mahaba pala ang session road. Buti nalang mabait si manong driver na nakihanap talaga sya. Nakita naman namin yung lugar kasi malapit lang pala sya sa terminal.
Nagulat lang ako sa pamasahe ko sa taxi kasi sobrang mura. Syemps di ko matandaan kung magkano binayad ko mula Victory Terminal hanggang Volante, pero wala pa syang 40! Jusko parang 40 pesos eh mula sa GMA hanggang Sct. Borromeo lang ata yun eh.
Nag-almusal ako sa Pizza Volante, umorder ng kanilang Spagetti with Meatballs (Php 149), tsaka Kenny George Pizza (Php 87.00). Ok naman sya. Yung spagetti, ok sya kung mahilig ka sa kamatis. Kaso kahit mahilig ako sa kamatis medyo nalunod ako. Siguro hindi lang ako yung tipo na gustong makatikim ng maasim na pasta pagkatapos ng 5.5 hours na byahe.
Yung pizza naman, ang winner. Ok sya, maraming topping na hindi ko kinakain (bell pepper). pero nakain ko parin sya kasi iba yung lasa ng bell pepper – may certain freshness sya na nakakahinayang kung hindi mo kakainin. Tapos kakalutong kakaluto lang nya kaya yung cheese nya malinamnam talaga.
Whatabreakfast.
Ang inumin ko naman ay Hershey Thick Cocoa (Php 65). Namiss ko kasi si Novia.
Anyway, eto yung favorite ko. kasi hot chocolate drink sya at tamang tama ang halo ng tamis at init. Hindi masyadong thick pero hindi rin parang tubig lang ang texture nya.
Tapos habang iniinom ko ang aking mainit na tsokolate, pinapanood ko ang mga taong nagdaraan sa Session Road, habang nagbubukang liwayway sa Baguio na may malamig na temperatura. Perfect!
tamang tama naman na 6:00 ako nakarating ng hotel. Kung naghahanap kayo ng ok na hotel, try nyo sa City Travel Hotel. Nasa gilid lang sya ng Burnham Park and super okey yung location nya. Mula sa hotel, pwedeng lakarin papunta sa SM Baguio, Session Road, tsaka Baguio Public Market. Super malapit lang rin sya sa Cafe by the Ruins.
Litrato na kinunan ko mula sa bintana. Angas! Parang ang layo lang ng SM sa Hotel eh mula AB Building sa UST papuntang Beato. Malapit lang yun.

Plus, ok na ok yung service nila, and mabilis ang reply nila sa mga inquiries (as early as 5:30, may magrereply talaga!)

Php 2,800 raw yung price ng Delux Room nila, pero 50% off. In-assume ko kasi off peak season. So sa 2-night stay ko, Php 2,800 lang ang binayaran ko.
Anyway, pagka check-in ko, nagpahinga muna ako syemps. Kaso pagkabukas ko ng TV, Unang Hirit, sakto naman na pasok ng Primera Balita. Yun yung morning news na pinapalabas sa Regional channel ng GMA-7 na mapapanood sa Northern at Central Luzon (yata).
At tenenenen, andun si Joyce!
Ayun, binati nya ako sa extro. Nakakaloka mehn kasi kumpleto talagang pangalan ko hahaha.
Anyway, nakatulog nako pagkatapos at nagising ng lunch.
Lunch
May hinanap akong kainan sa Baguio City na mura lang raw, masarap, malaki ang serving at malapit sya sa Baguio City Market. So hinanap ko talaga sya.
Ang tawag sa kanya ay Good Taste Cafe and Restaurant. Sorry di ko na matandaan kung paano ako nakarating dun, basta naglakad lang akong papuntang Public Market, tumawid ng overpass, tas lumikoliko sa mga eskeni-eskenita. Yup, ganun talaga ako. Pag unang beses ko sa isang lugar, pumapasok ako sa kung saan saan na eskenita. Wala lang, thrill seeker.
Malapit yung restaurant sa Dangwa terminal. Actually, nasa loob sya ng Dangwa terminal. Tas yung pagpasok ko nga sa terminal kala ko super katapusan ko na kasi akala ko naligaw nako!
Pagpasok ko dun sa restaurant, parang meron syang chinese restaurant feel kasi, surprise, chinese restautant sya! Kung nakakain ka na sa kahit anong chinese restaurant sa Avenida sa Manila, ganong feel. Pero malaki yung lugar, tas super homey. Ok rin siguro na sa may terminal sya ng bus. Bukas nga pala sya 24 hours a day.
Umorder ako ng shanghai rice meal for 75 bucks. Tas naisip ko baka di kasya sakin yun kasi nasanay ako na konti ang serving sa mga ‘value meal’. So, umorder ako ng Miki Bihon (Php105).

Ay bonggang gulat ko nalang nung pagdating nung order ko. yung shanghai rice, andami ng serving ng rice tsaka ng side vegetables. Tapos yung Miki bihon pang tatlong tao yata! Nashock ako sobra!
Yung Shanghai rice masarap talaga. Pero mas nasarapan ako sa gulay kesa sa shanghai mismo – and that’s saying something since di ako kumakain ng gulay!
Sa sobrang dami ng serving ng shanghai rice, busog nako kaya di ko na nasimulan yung Miki Bihon. Pinabalot ko nalang sya at ginawang dinner nung gabi
Tapos naglakad lakad na ako sa City. Parang Maynila lang rin ang Baguio – maraming tao at maraming kotse at nagtatraffic ng bongga.
Yun nga lang, malamig dun, minsan kinakausap ako ng mga tao sa Ilocano (tititigan ko lang sila), mura ang taxi, at napansin ko lang na pag tumatawid ako, pinagbibigyan ako ng mga sasakyan at hindi nila ako binubusinahan ng bongga. Ganon rin ang napansin ko nung nasa taxi ako, na madalas sa madalas, nagbibigayan sila sa daan.
—————————–
Medyo nakakatamad pala magkwento lahat ng ginawa ko nung nasa Baguio ako. So di ko nalang kukwento lahat. Tutal, bakasyon ko naman yun, so wala akong utang na kwento sanyo.

Yup, nag soul searching ako, at di ko sya nakita. Baka naiwanan ko sya dito sa Maynila.
—————————–

Sa second day, Saturday, nag lunch ako sa Solibao, isang maliit na restaurant sa may Burnham Park. for 99Php, nakakain ako ng fish fillet. Katulad ng lunch ko sa 1st day ko sa Baguio, mas nagustuhan ko pa yung gulay (side dish) kesa sa main course. Although malasa rin ng sobra rin naman yung fish, pero hindi kasing lasa nung carrots.

I swear, hindi mahirap maging vegetarian pag nasa Baguio ka.
At well well well, may kasama pang puto bumbong yung meal ko!

Turned out, yun palang Solibao ay kilala sa puto bumbong nila. At hindi nako magtataka kung bakit!
Yung putobumbong mismo (as in yung violet thing), ok lang. Tama lang yung lasa pero hindi naman to die for. Pero may nilalagay silang brown-ish substance sa gilid nung putobumbong. Hindi ko alam kung ano yun eh hehe. pero masarap sya talaga.
Anyway, umorder ako ng 2 pang puto bumbong para dalhin sa hotel. 40pesos each.
——————————–
At syempre ang strawberry taho ko!!!

Mind you, hinanap ko pa sya sa Burnham! As in hinabol ko pa si Manong! Na-chicka ko naman sa kanya na hinanap ko talaga sya para bumili ng taho, tas ayun dinagdagan nya yung strawberry syrup! YEHEY!
——————————–
May isang cool na nangyari nga pala. Habang nasa hotel room ako, napansin ko sa bintana may paparating na fog! NAKAKAMANGHA! HAHAHAH! As in may ulap na umaandar paparating sa side namin galing sa Burnham tas wala talagang nakikita sa Burnham. And ignorante ko, pero super coooool! (literal)

———————————

Syempre kumain rin ako sa Cafe by the Ruins. Waw mehn, struggle papunta dun kasi paakyat talaga, pero worth it naman ang hila ng gravity. Buti walang kumakain nung pagpunta ko run. Kumain ako ng carbonara tsaka ng dark chocolate drink something bitter something.

Masarap talaga yung pasta, prolly nasa top 5 list ko sya ng best pasta i’ve tasted kasi tamang tama lang yung lasa nya tas tamang tama yung pagkaluto ng pasta, hindi ka masi-stress. Hindi strong yung flavor na nagiiwan ng after taste, at hindi naman bland na parang ako lang yung nagluto.

Yung dark choco nila ang medyo na stress ako – pero walang complaint! Ang thick nya sobra. Parang tinunaw na dark choco. Pero ansarap. Tamang tama naman na kumain ako dun ng umuulan. YUM!
———————————
Baguio Public Market
Kung hindi lang ako nagaalangan na baka mas mabigat pa yung bag ko sakin pag-uwi ko, mamimili ako ng marami sa palengke!
Ay grabe nakakaaliw sya! Syemps bumili ako ng pasalubongers na medyo mandatory kung aakyat kang Baguio.
Bumili rin ako ng silver hoop earrings.
Tas naalala ko yung nabasa ko na may nabibili sa palengke na bonggang Benguet coffee. Ayun hinanap ko sya ng hinanap (medyo nakakaaliw rin na ‘maligaw’ sa loob ng palengke), hanggang sa makita ko sya.

170 per kilo yung Benguet coffee. Tas yung babae kasi sa harap ko may plastic na may laman na pinamili nyang kape, tas napansin ko bat ang liit nung supot. Syemps, dahil assuming ako, akala ko, isang kilo na yun.

So um-order ako ng 2 kilos. Pwede syang ipa-grind na dun.
Tas, tenenenen! Dalawang naglalakihang supot ang binigay sakin ni kuya! Na-shock ako! Tas graaaabeeee ang bangooo! Ang bango bango ng coffee na tipong iniwanan ko sya sa hotel room, tas pag balik ko, yung kwarto ko ay amoy kape na! nakakamangha! Hanggang ngayon yung pinaglagyan kong bag eh amoy kape parin.
Anyway, kelangan ko itake note na pagbalik ko sa Baguio ay ako’y bibili naman ako nung iba pa nilang kape para masaya
Actually dapat uuwian ko pa yung nanay ko ng walis tambo, kaso ang dyahe dyaheng umuwi na may bitbit na walis tambo. Ano ba, social climber nga ako!
———————-
Umuwi rin ako ng Sunday, 12pm ako umalis sa Baguio City via Victory Liner ulit. Sa hotel nako nag breakfast syemps kasi tanghali nako nagising hahaha!

Tama nga ang nanay ko, mas bongga na bumyahe ng maliwanag para kitang kita mo yung tanawin. At mas nakakatakot nga ang zigzag sa quezon kesa sa baguio, pero andami mo namang makikita sa baguio zigzag!
Iba ka mother earth.
7:30 nako nakarating sa bahay.
Home sweet home ![]()
———————————–
Masaya akong nakapagbakasyon ako. Hindi lang dahil na sa loob ng apat na araw, kinalimutan ko ang trabaho, kundi rin dahil sa nakapunta ako sa bagong mga lugar ng walang ka-plano plano.
Pagkatapos ng madugong hostage crisis noong August 23, naapektuhan ang turismo sa bansa. Nakakalungkot yun kasi andaming pwedeng makita sa Pilipinas, pero dahil sa isang tao, balewala yun.
Alam kong narinig mo na ‘to, pero totoo naman kasi sya, kaya siguro sya inuulit-ulit. Naniniwala ako na kailangang umpisahan natin sa sarili natin ang pagbabalik ng tiwala sa bansa.
Sabi nga ng tagline ng isang show, ‘Wag maging dayuhan sa sarili mong bayan’.
Every now and then, mag out-of-town ka naman. Marami kang matututunan tungkol sa ibang parte ng Pilipinas, at maniwala ka sakin, marami kang matutututnan tungkol sa sarili mo na di mo pa alam dati.
(For instance, pagkatapos ng Baguio Trip ko, na realize ko na mas gusto ko ang dagat kesa sa bundok).
Dati ang pinaka malayo kong narating sa Norte ay Tarlac, ngayon Baguio na. Balak ko sana mag Batanes sa susunod, pero ipon ipon muna.
Ang pinaka malayo ko na narating sa south ay Quezon. Salamat sa ilang ‘seat sale’ ng isang airline, nakatakda akong pumunta sa Albay sa Enero at sa Cagayan de Oro naman sa Agosto. Ang susyal ko diba?
Jetsetter, yes naman! haha!
Sama ka?












